BULGAR

Apr 15

Pasahero ng barko, tiklo sa shabu

News @Balitang Probinsiya | April 15, 2024

Batangas — Isang pasahero ang inaresto ng mga otoridad nang makumpiskahan ng umano’y shabu kamakalawa sa loob ng barkong nakadaong sa Batangas Port, Brgy. Santa Clara, Batangas City sa lalawigang ito.

Pansamantalang hindi pinangalanan ang babaeng suspek na edad 36 habang iniimbestigahan ito ng pulisya.

Ayon sa ulat, may tinanggap na impormasyon ang mga otoridad na isang pasaherong babae ang may bagaheng umano’y shabu na dadalhin sa Oriental Mindoro.

Sa pamamagitan ng mga dalang narcotics dog ng mga operatiba ay natukoy ang bagahe ng suspek at nang buksan ay dito natagpuan ang may 500 gramo ng hinihinalang shabu.

Nakapiit na ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

    0