BULGAR

Apr 11

Non-stop taas-presyo sa petrolyo, nakakadagdag sa init ng panahon

@Editorial | Abril 12, 2024

Sumirit na naman ang presyo ng petrolyo, nakakadagdag sa init ng panahon, kaya hindi na nakakabigla kung muling humirit ng taas-pasahe.

Panawagan ng grupo ng transportasyon, aprubahan na ang P15 minimum fare sa mga tradisyunal na pampasaherong jeep.

Hinaing ng mga operator at driver, ang patuloy na pagtataas sa presyo ng petrolyo ang dahilan kaya nawawalan sila ng kita sa araw-araw na pasada.

Patuloy umano ang paghina ng kanilang ikinabubuhay dahil sa tuluy-tuloy na pagsirit sa presyo ng mga produktong petrolyo.

Matatandaang nagsimula nang magtaas ng presyo ng petrolyo nitong Martes na aabot sa halos P2 taas kada litro, na pang-walo nang oil price hike at pinakamalaking singil ngayong taon. Ang sinasabing dahilan ng pagtaas ay ang kaguluhan sa Middle East at lumalaking demand dito ng malalaking bansa gaya ng India, China at Amerika. 

Sa ganitong senaryo, halos kabisado na rin ng mga pasahero ang mangyayari.

Kumbaga, sanay na sa ‘domino effect’. Kapag tumaas ang presyo ng petrolyo, magdadagdag ng singil sa pasahe at wala namang magagawa ang komyuter kundi ang mag-adjust na naman sa budget. Hindi rin natin masisi ang mga drayber dahil sila ang direktang nakararanas ng epekto sa tuwing may oil price hike.

Umaasa tayo na patuloy pa rin ang gobyerno sa paggawa ng paraan kung paano makakasabay sa tila ‘di makontrol na taas-presyo sa petrolyo.

Bukod sa ayuda para sa mga tsuper, kailangang makaisip pa ng alternatibong paraan na kapwa matutulungan ang mga nasa transportasyon at ang publiko.

    0