BULGAR

Dec 1, 2023

Nationwide motor vehicle registration caravan, samantalahin

@Editorial | December 1, 2023

Bilang bahagi ng pagpapatupad ng “No Registration, No Travel” policy, magsasagawa ng nationwide motor vehicle registration caravan ang Land Transportation Office (LTO) sa mga susunod na araw.

Kaya pagkakataon na ito na dapat samantalahin para maiparehistro ang nasa 24.7 milyong sasakyan.


 
Kaugnay nito, inaasahan ang tulong ng mga nasa barangay. Sa pamamagitan ng mga opisyal, mas madaling malalaman kung sinu-sino at ilan sa mga nasasakupan ang hindi rehistrado ang mga motorsiklo at iba pang sasakyan.

Sa pagsasagawa ng motor vehicle registration caravan, makikitang hindi lang basta ipinatutupad ang isang polisiya, dapat ding bigyan ng konting konsiderasyon ang publiko. Kung kayang ilapit ng gobyerno ang serbisyo sa taumbayan, mas magiging maayos at madali ang lahat. Bilang mamamayan, sumunod din tayo sa batas at huwag puro pagpapasaway ang ginagawa.

Nabatid na ang Metro Manila, Central Luzon at Calabarzon regions ang nakapagtala ng may pinakamaraming sasakyan na hindi rehistrado, samantalahin sana natin ang pagkakataon na mairehistro na ang mga sasakyan.

Ang pinag-uusapan na rito ay ang pagtitiyak ng road worthiness ng mga sasakyan.

Iniiwasan natin na pakalat-kalat sa kalsada ang mga hindi na ligtas ibiyahe. Hindi lang buhay ng nagmamaneho at sakay nito ang posibleng malagay sa kapakamakan kundi maging ang iba pang gumagamit ng kalsada.

Sa pamamagitan ng pagpaparehistro, mas madali ring matutukoy ang mga sasakyang ginagamit sa krimen.

Kaya, magparehistro na, sumunod tayo sa batas para walang problema.

    0