BULGAR

Nov 26, 2020

Mga korup, kasuhan agad!

@Editorial | November 26, 2020

Napag-uusapan ngayon ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa mga opisyal ng gobyerno na sangkot sa korupsiyon.

Kasunod ito ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na natanggap na niya ang listahan ng pangalan ng mga kongresistang korup. Gayunman, wala umanong kapangyarihan ang Pangulo para imbestigahan ang mga ito.

Para naman sa hanay ng mga mambabatas, pabor daw sila na magsagawa ng imbestigasyon, ang tanong, paano naman kaya makatitiyak ang sambayanan na makatarungan ang magiging takbo at resulta ng pagsisiyasat?

‘Di kaya mas mainam na sa halip na magsagawa ng imbestigasyon at kasuhan na lamang ang mga sinasabing korup?

Sa pamamagitan nito, hindi lang makakatipid sa oras at pondo, mas malaki ang posibilidad na talaga may mananagot lalo na kung may sapat namang ebidensiya ang nag-aakusa.

Hindi naman lingid sa ating kaalaman na marami-rami nang imbestigasyon ang nangyari sa Kongreso, maaaring may mga naipakulong na subalit, marami pa rin ang nananatiling malaya at mas lalo pang nagpapakasasa sa yaman at kapangyarihan.

Kaya nga may mga hindi na talaga naniniwala sa mga imbestigasyon na wala namang malinaw na patutunguhan. Ang nangyayari, ginagamit pa ng ibang pulitiko para magpapogi.

Marahil, sa halip na imbestigahan ay tuluyan na lang agad ang mga korup sa pamamagitan ng pagsasampa ng kaso.

    0