BULGAR

Sep 24, 2023

Mga bata, ‘wag pabayaan sa social media

@Editorial | September 24, 2023

Dumarami ang mga batang may access ngayon sa social media.

Bagama’t may mga magulang na pinapayagan ang kanilang mga anak na malantad sa mundo ng socmed, may iba pa rin na mas pinipiling huwag muna hangga’t bata pa.

Ano nga ba ang tamang edad ng bata para magkaroon ng sariling social media account o maka-access nito?

Batay umano sa alituntunin ng ilang social media platform, dapat ay 13-anyos ang bata bago payagang gumawa ng kanyang account. Gayunman, ayon sa isang privacy at data protection expert, hindi ito lubos na nababantayan at naipatutupad.

Paano nga naman malalaman kung ang gagamit ng account ay ‘yung parehong tao na nag-register.

Kaya nga bang masubaybayan ng mga magulang ang mga bata habang nagso-social media?

Kaya ipinapayo ng mga psychology expert na i-delay ang paggamit ng mga bata sa social media at hayaan silang makapaglaro.

Minsan umano akala ng mga magulang ay mas natututo ang mga bata sa mga napapanood online.

Pero ang totoo, pinakamainam pa rin ay nakikipaglaro o interaksyon ang magulang sa mga bata.

‘Yung direktang nasasagot ang mga tanong sa isip nila.

Paalala rin ng Anti-Cybercrime Group ng Philippine National Police, may sarili mang account o nakikigamit lang, dapat na bantayan ang mga bata na lantad na sa social media dahil tumataas ang bilang ng mga batang nabibiktima ng cyber criminals.

Ito ang isa sa mga nakakatakot sa pagiging expose ng mga bata sa socmed, maaari silang mabiktima ng mga masasamang loob.

At kung sakaling hindi na maawat ang mga paslit sa paggamit ng social media, lahat ng pag-iingat ay dapat nating alamin at ipaliwanag sa kanila nang mabuti kung ano ang kahalagahan nito.

    0