BULGAR

Apr 24

Good news sa mga magsasaka

@Editorial | April 24, 2024

Magandang balita sa ating mga kababayang magsasaka na maaari na silang magbenta ng kanilang aning palay sa National Food Authority (NFA).

Ito ay dahil sinimulan na ng ahensya ang pagbili ng naturang produktong sa mataas na presyo nito.

Matatandaang kamakailan ay inilabas ng NFA Council ang kaukulang buying price ng palay.

Maaaring ibenta ng mga magsasaka ang kanilang aning wet palay sa halagang P17-P23 kada kilo mula sa dating presyo na P16-P19.

Mataas naman ang bentahan para sa dry palay na aabot sa P23-P30 mula sa dating P19-P23.

Layon ng nasabing hakbang na matulungan ang mga magsasaka na tumaas ang kanilang kita at mahimok ang mga ito na ibenta sa gobyerno ang kanilang mga ani sa halip na sa mga trader na nangbabarat ng presyo.

Makatutulong din ito upang mapataas ng NFA ang kanilang buffer stock na siya namang ipinapamahagi ng ahensya tuwing may mga kalamidad at sakuna.

Sana magpatuloy ang suporta, tulong at oportunidad para sa ating mga magsasaka.

Sila ang pinakamahalagang susi para hindi magutom ang bayan, kaya sana huwag natin silang pabayaan.

    0