A.Servinio
Jun 21, 2020
Isang bagong kabanata sa mayamang kasaysayan ng Basketball sa Pilipinas ay binuksan noong
Biyernes matapos magwagi ang Team Pilipinas ng dalawang beses kontra Indonesia sa unang
araw ng FIBA Esports Open 2020. Ang mga iskor na 56-29 at 64-30 ay nagbigay sa mga Pinoy
ng 2-0 na kalamangan sa kanilang seryeng best of five na nagpatuloy Sabado ng gabi.
Matinding depensa at tira sa labas ang naging susi ng kambal na tagumpay kasama ang malalim
na karanasan at kaalaman ng koponan. Ang mga laro ay hinati sa apat na quarter na limang
minuto bawat isa kaya binilIsan din ang tiyempo na nagresulta ng maraming dunk.
Sa unang laro, pinasok ng Pilipinas ang magkasunod na tres upang buksan ang huling quarter at
maabot ang kanilang pinakamalaking kalamangan, 50-23. Maagang sumuko ang mga Indones at
naghanda para sa rebanse.
Mas ganadong Indonesia ang dumating para sa pangalawang laro at nagawa pa nilang lumamang
sa second quarter, 15-14. Sinagot ito ng 11 sunod-sunod na puntos ng Pilipinas upang
lumamang sa pagsapit ng halftime, 25-15, at lalong diniin ang kalaro sa second half.
Nagpamalas ng husay sina Custer Galas, Aljon Cruzin at Philippe Herrero IV sa dalawang
panalo. Nag-ambag din ng tulong sina Rial Polog Jr. at Clark Banzon.
Ang magwawagi sa serye ng Pilipinas at Indonesia ay tatanghaling kampeon ng Timog
Silangang Asya. Gagawaran ng pinakabagong edisyon ng NBA2K21 Digital bago pa ito
lumabas sa merkado ang lahat ng kampeon sa bawat kontinente.
Mapapanood ang lahat ng laro sa Facebook at YouTube ng FIBA. Maaring manalo ng sombrero
o t-shirt ang ilang masuwerteng fans.
Sa ibang mga laro, parehong nagtagumpay ng tatlong beses ang Lithuania at Espana upang
sumosyo sa liderato ng Europa. Panalo ang Lithuania sa Cyprus (85-51), Switzerland (67-55) at
Ukraine (81-55) habang winalis ng Espanya ang Austria (83-39), Russia (92-47) at Switzerland
(81-42).
Malinis rin ang Italya na wagi sa Latvia (79-54) at Russia (62-52). Maglalaro ng single round
ang siyam na bansa at ang may pinakamataas na kartada ang magiging kampeon ng kontinente.
Tabla sa 1-1 ang mga serye para sa Oceania sa pagitan ng New Zealand at Australia at sa Timog
Amerika na Argentina kontra Brazil. Nakauna ang Saudi Arabia sa Lebanon, 87-54, sa serye ng
Gitnang Silangan.