Madel Moratillo

May 30, 2020

Pfizer: Bakuna vs. COVID-19, posibleng mailabas sa Oktubre

Posibleng sa Oktubre ng taong ito ay mayroon na umanong bakuna para sa covid-19 ang American Pharmaceutical Corporation na Pfizer.
 

Ayon kay Albert Bourla, head ng Pfizer, ito ay kung walang maging problema sa kanilang ginagawang trial at magkaroon ng sapat na ebidensiya na epektibo ito.
 

Tinatayang mayroong mahigit 100 bakuna para sa covid-19 ang dine-develop sa buong mundo.
 

Ang iba sa mga ito ay isinasailalim na sa trial. Isa rito ang bakuna na dine-develop ng Pfizer na nagsasagawa na ng clinical trials kasama ang German firm na BioNtech para sa mga posibleng bakuna sa covid-19 sa Europa at Estados Unidos.
 

Ayon sa mga eksperto, inaabot ng ilang taon bago maging available ang isang bakuna dahil marami itong prosesong pinagdadaanan. Pero dahil ang covid-19 ay isang pandemic na nakaapekto sa halos buong mundo ay maaari umano itong mailabas agad at payagan para sa emergency use sa oras na mapatunayang epektibo.

    0