Rafaella Garcia

Apr 3, 2020

Sports facilities na gagawing ospital para sa COVID-19 minamadali na

Minamadali na ng gobyerno ang pagsasaayos ng mga sports facilities na gagawing pansamantalang ospital ng mga pasyente na positibo sa COVID-19.

Kahapon ay umikot si Philippine Sports Commission (PSC) Chief of Staff Marc Velasco upang inspeksyunin ang paglalagay ng mga kama sa loob ng Ninoy Aquino Stadium, kasama si City of Manila DRRMO at Barangay Captain Elizabeth Platon gayundin ang mga kinatawan buhat sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Bukod sa Ninoy Aquino Stadium na nasa loob ng Rizal Memorial Sports Complex (RMSC) gagamitin din bilang mga pansamantalang ospital ang Philippine International Convention Center (PICC) pati na ang World Trade Center sa Manila.

Ito ay upang makatulong na mabawasan ang kaso ng positibong pasyente sanhi ng nasabing virus na nasa mahigit dalawang libo na.

Ang 112 na mga kama na ilalagay sa Ninoy Aquino Stadium na isasailalim sa pangangalaga ng Armed Forces of the Philippines Medical Corps ay maari nang magamit ngayong darating na linggo.

Habang ang PICC at ang WTC naman ay bubuksan sa Abril 11.

Ang mga nasabing pasilidad ay nabisita na rin nina National Task Force COVID-19 Chief Implementer Secretary Carlito Galvez, Jr., kasama sina Department of Health Secretary Francisco Duque III at Bases Conversion Development Authority (BCDA) President and CEO at siya ring Presidential Adviser on Flagship Programs and Projects na si Vince Dizon.

    0