Mylene Alfonso

Mar 27, 2020

Lahat ng PSG personnel, naka-quarantine

Nilinaw ni Presidential Security Group Commander Jesus Durante III na tanging ang mga tauhan lamang ng PSG ang isasailalim sa lockdown sa Malacañang Complex.


 
Ito ay matapos kumalat ang internal memo ng PSG kaugnay sa pagsasailalim sa buong Malacañang Complex sa total lockdown.


 
"I require all PSG personnel to go on self-quarantine effective March 28. No PSG personnel to go out of Malacañang Complex until April 10,” ani Durante sa kanyang mensahe kay Presidential Spokesman Salvador Panelo na ipinaabot naman sa Malacañang Press Corps.


 
Sinabi ni Durante na inutos niya sa lahat ng PSG personnel kasama na ang kanilang mga dependents sa PSG Compound na mag-self-quarantine muna simula March 28 hanggang April 10.


 
Ayon kay Durante, kailangan pa rin nilang papasukin sa Malacañang ang skeletal workforce ng Office of the President na isasailalim naman sa regular screening procedures.


 
Tiniyak din ni Durante na meron pa ring naka-duty sa Malacañang sa kabila ng utos niya na self- quarantine kabilang na ang close-in security ni Pangulong Rodrigo Duterte.


 
Iniutos ito ni Durante matapos makumpirma na nagpositibo sa COVID 19 si ACT-CIS Partylist Representative Eric Go Yap, na nakadalo pa sa isang pagpupulong na ginanap sa Malacañang noong Sabado.


 
Positibo rin sa virus si Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Filemon Santos, Jr. na bumisita Heroes Hall sa Malacañang noong Lunes.

    0