V. Reyes

Feb 26, 2020

DA nagbabala.. Tocino at longganisa, delikado dahil sa ASF

Pinag-iingat ng Department of Agriculture (DA) ang publiko sa pagbili ng mga semi-processed at homemade pork product tulad ng tocino at longganisa sa gitna ng banta ng African Swine Fever (ASF).

Sa halip, sinabi ni Agriculture Spokesperson Assistant Secretary Noel Reyes na makabubuting bumili na lang ng mga naluto nang husto at de-latang produktong baboy.

“‘Yung mga gawa sa bahay, hindi natin malaman kung ang kinatay na baboy ay may sakit o wala so, iwas po tayo sa semi-processed na tocino, longganisa na homemade,” ani Reyes.

“Let’s depend only on cooked and canned pork products. ‘Yun po, sigurado kasi ‘pag naluto for 70 Degrees Celsius for 15 minutes, wala ‘yun, patay na ‘yung virus nu’n,” dagdag pa ng opisyal.

Hinimok din ni Reyes ang mga konsyumer na hanapin ang National Meat Inspection Service seal o certificate kapag bibili ng pork products.

Nilinaw ni Reyes na ligtas pa ring kainin ang karneng baboy dahil hindi naman naipapasa sa tao ang ASF mula sa hayop.

    0