V. Reyes

Feb 21, 2020

P25-K multa, suspensiyon sa lalabag.. 20% discount sa pasahe ng mga titser

Itinutulak sa Kamara na mabigyan ng 20-porsiyentong diskuwento sa pasahe sa mga pampublikong sasakyan ang mga guro sa bansa.


 
Sa inihaing House Bill No. 4129 ni Manila Teachers Partylist Representative Virgilio Lacson, malaking tulong na rin sa mga guro na mabawasan ang halaga ng kanilang pasahe sa araw-araw na pagbiyahe patungo sa mga eskuwelahan.


 
Sa ilalim ng panukala, kailangan lamang na ipakita ng guro ang kanyang school employee ID o ang identification card mula sa Professional Regulations Commission (PRC) upang mabigyan ng fare discount.


 
Kung hindi bibigyan ng diskuwento ay pupuwedeng magreklamo ang guro sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board para sa land public transportation utilities; sa Maritime Industry Authority para sa sea public transportation utilities; sa Legal Service ng Department of Transportation para sa rail transportation utilities at sa Office of the Local Chief Executive para sa traysikel.


 
Sa sandaling maging batas, mapapatawan ang mga hindi susunod na tsuper at operator ng suspensiyon ng kanilang lisensiya o pagmumulta mula P1,000 hanggang P25,000 depende sa paglabag at sa uri ng pampublikong sasakyan.


 
Pumalag naman si Alliance of Concerned Transport Organization President Efren De Luna sa nasabing panukala dahil hindi umano ito makatwiran para sa mga drayber na maliit lamang ang kinikita.


 
Ganito rin ang sentimyento ni Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines Chairperson Zeny Maranan.


 
“Minimum wage nga sila pero mas malaki ang kita ng teacher kesa sa mga driver. Kasi kami walang fixed na kita. Kung talagang ipagpapatuloy nila ‘yan, taasan nila ang pamasahe namin,” ani Maranan.


 
Tiniyak naman ni LTFRB Technical Division Chief Joel Bolano na masusing pag-aaralan ang panukala sakaling mapagtibay.

    0