V. Reyes

Jan 18, 2020

14 na bayan sa Batangas, bawal nang pasukin

Isinailalim na sa lockdown ang 14 na bayan sa Batangas sa gitna ng pag-aalburoto ng Bulkang Taal.

Ayon kay Batangas Disaster Risk Reduction and Management Office Head Lito Castro, hindi na pinapayagan ang mga residente na nasa 14-kilometer radius danger zone na bumalik sa kanilang mga bahay.

Nauna nang tinukoy ng Phivolcs na posibleng maapektuhan ng pagsabog na kinabibilangan ng ballistic projectile, base surge at volcanic tsunami ang mga bayan ng Agoncillo, Alitagtag, Balete, Cuenca, Laurel, Lemery, Malvar, San Nicolas, Santa Teresita, Taal, Talisay, bahagi ng Lipa, bahagi ng Mataas na Kahoy at bahagi ng Tanauan.

Samantala, nababahala si Castro na kung magpapatuloy ang pag-aalburoto ng Bulkang Taal sa matagal na panahon ay kakapusin ang pondo para tulungan ang mga nasalanta.

Lumobo naman sa P3.06 bilyon ang halaga ng pinsala ng pagsabog ng Bulkang Taal sa mga taniman at hayupan sa Region 4-A at Calabarzon.

    0