Pabs Hernandez III
Nov 16, 2019
Pablo L. Hernandez III / Prangkahan
FEELING MATINO SI GRACE PADACA NOON, KORUP DIN PALA — Hinatulan ng Sandiganbayan ng 24 taong pagkakabilanggo si Isabela ex-Gov. Grace Padaca matapos mapatunayang sangkot ito sa P25 milyong scam noong panahong siya pa ang gobernadora ng lalawigan noong 2006.
Kung mag-aasta noon si Padaca, akala mo pagkatinu-tino, ‘yun pala, korup din, buwisit!
***
SENATE PRES. SOTTO, MADALAS MAG-ASTANG ABOGADO SA CHINA —Matapos sabihin ni VP Leni Robredo, co-chairman ng Inter-Agency Coordinating on Anti-Illegal Drugs (ICAD) na ang China ang source ng shabu sa bansa, sinabi ni Senate Pres. Vicente “Tito” Sotto III na maghinay-hinay daw ang bise-presidente sa pag-aakusa kasi ka-partner daw ng Pilipinas ang China sa paglaban sa ilegal na droga.
Hay naku, si Senate Pres. Sotto, hindi naman abogado, pero ang hilig niyang umastang tagapagtanggol ng China, pwe!
***
KUNG WALANG MGA DRUG LORD NA NAIS PAGTAKPAN, DAPAT IBIGAY NG PDEA KAY VP LENI ANG “NARCOLIST” — Ang payo ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson kay VP Leni bilang co-chairman ng ICAD ay ang mga bigtime drug lord ang “targetin” at huwag ang mga small-time na tulak ng shabu. At dahil dito ay humirit si VP Leni kay PDEA Director Aaron Aquino na ibigay sa kanya ang listahan ng mga high value target o HVT (drug lord), pero ang nakapagtataka, ayaw itong ibigay ng PDEA director.
Kung walang mga drug lord na nais pagtakpan, dapat ibigay ni Aquino kay VP Leni ang “narcolists” o listahan ng mga HVT sa bansa period!
***
IPINAGBAWAL NA NI P-DUTERTE ANG PAPUTOK, PERO MAY NAGPUPUSLIT PA RIN NG “PAPUTOK” SA BUREAU OF CUSTOMS — Isang “Mr. Cheng” daw ang nagpupuslit ng “Chinese firecrackers” sa Bureau of Customs.
Naku, baka dahil d’yan ay malintikan si Customs Comm. Rey Leonardo “Jagger” Guerrero kay P-Duterte kasi ipinagbabawal na ng pangulo ang paputok ngayong panahon ng kapaskuhan at pagpapalit ng taon, tapos may smuggler na nagpapasok ng “Chinese firecrackers” sa bansa, buwisit!