Maeng Santos

Nov 15, 2019

Walang kayod, ka-live-in nakaaway.. 17-anyos tumalon mula 3rd flr. ng building, dedbol

Dedo ang 17-anyos na binatilyo matapos tumalon sa isang residential building nang makaaway ang kanyang live-in partner sa Malabon City, kahapon ng madaling-araw.


 
Dead-on-arrival sa Valenzuela Medical Center si ‘Albert’, residente ng Bgy. Potrero, matapos tumalon mula sa 3rd floor ng inuupahan nitong kuwarto.


 
Ayon kina P/SSgt. Mardelio Osting at P/Cpl. Joenel Claro, nagtalo ang biktima at kanyang live-in partner dahil sa pagiging tambay nito.


 
Sa pahayag sa pulisya ng saksing si ‘Wilbert’, nakatira rin sa naturang gusali, alas-4:40 ng madaling-araw nang mapansin niya ang biktima na umiinom ng alak sa loob ng inuupahan nitong kuwarto.


 
Alas-5:30 ng madaling-araw, isang malakas na kalabog ang narinig ng mga residente sa gusali at nang tignan sa labas ay nakita nila ang nakahandusay nang biktima dahilan upang humingi ng tulong sa Malabon Emergency Response Team saka dinala ang binatilyo sa naturang pagamutan subalit, hindi na rin ito umabot nang buhay.

    0