Dr. Shane Ludovice, M.D.
Sep 22, 2019
Dear Doc. Shane,
Maaari ba ninyong talakayin ang tungkol sa chlamydia? Nagkaroon ako nito dahil posibleng nahawahan ako ng dati kong kinakasama. Paano ito ginagamot? — Fely
Sagot
Ang baktiryang psittacosis (chlamydia psittaci) ang sanhi ng chlamydia. Madali itong maipasa sa pamamagitan ng pakikipagtalik — vaginal, oral o anal sex man.
Ayon sa mga eksperto, kahit regular ang paggamit ng condom para makaiwas sa STD, kailangang isuot ito bago pa man ang skin to skin contact. Isuot ito hanggang sa matapos ang pakikipagtalik.
Madali lamang ang pagsusuri para sa chlamydia, kailangan lang kumuha ng sample ng ihi.
Ang chlamydia ay maaaring maging sanhi ng seryoso at permanenteng pinsala sa reproductive system. Ito ay maaaring maging sanhi ng kahirapang mabuntis o hindi na mabuntis, gayundin ng ectopic pregnancy na isang nakamamatay na kondisyon.
Kung ang babae ay may chlamydia habang siya ay nagdadalantao, posibleng mahawahan din ang kanyang sanggol. Maaari itong maging dahilan ng pagiging premature ng sanggol, gayundin, ang malalang impeksiyon sa mga mata at pulmonya.
Mahalaga sa mga taong aktibo sa sex ang regular na pagpapaeksamin. Mahalaga ring ipagpatuloy ang pag-inom ng gamot sa chlamydia kung meron nito hanggang sa mawala ang impeksiyon.
Ano ang sintomas ng chlamydia?
Bihira lamang maramdaman ang mga sintomas ng chlamydia. Ayon sa mga eksperto, 75 porsiyento ng kababaihan at 50 porsiyento ng kalalakihan ang may chlamydia, pero hindi nila alam na meron sila nito kaya kailangang matukoy ang ilan sa mga palatandaan nito.
Narito ang ilan sa mga sintomas ng chlamydia:
Masakit o mahapding pag-ihi
Pagsakit ng ibabang bahagi ng tiyan
Pananakit ng ibabang bahagi ng likod
Discharge sa ari
Sumasakit ang ari kapag nakikipagtalik
Pagdurugo kahit hindi pa nireregla
Pagdurugo ng ari pagkatapos makipagtalik
Pananakit ng puwit, pamamaga at pagdurugo nito
Pamamaga o impeksiyon sa mga mata
Lagnat
Pagkahilo
Pananakit at pamamaga ng bayag
Pamumula, pangangati at pamamaga ng butas ng ari
Dilaw na discharge sa ari ng lalaki
Pamamaga ng lalamunan
Ano ang gamot sa chlamydia?
Kapag natuklasan ng doktor na ikaw ay may chlamydia, magrereseta ito ng antibiotic sa loob ng lima hanggang 10 araw, depende sa impeksiyon. Hanggang hindi pa tapos ang pag-inom ng antibiotic, posible pa rin na mahawa mo ng chlamydia ang iyong partner kaya dapat umiwas muna sa pakikipagtalik hanggang hindi pa tapos ang paggagamot.