BULGAR
Jul 23, 2019
SHANE M. LUDOVICE, M.D / SABI NI DOC
Dear Doc. Shane,
Dahil sa paiba-ibang panahon, sumama ang pakiramdam ko. Madalas, barado ang ilong ko. Ang sabi ng workmate ko, baka raw sinusitis ito. Ano ba ang sintomas ng sinusitis at ano ang dapat kong gawin para rito? Sobrang naapektuhan na nito ang trabaho ko dahil hindi ako makapag-concentrate sa mga ginagawa ko. — Eunice
Sagot
Ang sinusitis ay ang pamamaga ng mga tissue na nakapalibot sa sinus. Ang malusog na sinus ay puno ng hangin subalit, kung ito ay namamaga, barado at puno ng tubig, ang mga mikrobyo ay maaaring magpugad dito at maging sanhi ng impeksiyon.
Narito ang mga pangunahing sintomas ng pagbabara at pamamaga ng sinus:
sipon
allergic rhinitis o pamamaga ng lining ng ilong
nasal polyps o maliliit na bukol sa lining ng ilong
Para sa acute sinusitis:
pananakit ng mukha dahil sa pressure
baradong ilong
runny nose
pagkawala ng pang-amoy
pag-ubo
lagnat
mabahong hininga
pananakit ng mga ngipin
Para sa chronic sinusitis:
pakiramdam na parang namamaga ang mukha
pagkakaroon ng bara sa ilong
pagkakaroon ng nana na lumalabas sa ilong
pananakit ng ulo, mabahong hininga at pananakit ng ngipin
Gayunman, kung may sinusitis, ang doktor ay maaaring magrekomenda na uminom o gumamit ng decongestant o saline nasal drops. Pero tandaan, huwag abusuhin ang paggamit ng mga decongestant. Kailangang ihinto ang paggamit nito sa loob ng tatlong araw dahil puwede rin nitong palalain ang pagbabara ng ilong.
Kung ang doktor ay magbibigay ng antibiotic, kailangan itong inumin sa loob ng 10 hanggang 14 araw. Kadalasan, naaalis ng pag-inom ng gamot ang mga sintomas. Kung may chronic sinusitis, makatutulong ang paglanghap ng mainit subalit, mamasa-masang hangin. Puwedeng gumamit ng vaporizer o singhutin ang singaw ng kumukulong tubig.